Thursday, March 3, 2011

Chapter 2- P1

CHAPTER II

“Ano, tayo na ba?” halos pabulong na tanong sa kanya ng lalaki habang pinipisil-pisil nito ang palad niya.
Ang lakas ng kabog ng dibdib niya, parang hindi na siya makahinga sa lakas ng tibok ng kanyang puso. Hindi niya alam kung ano ang isasagot. Sinasabi ng puso niya na tumango siya, pero ang utak naman niya ay tumatanggi. Natatakot siya. Hindi niya alam kung saan at bakit.
“Ano? Tayo na hah?” tanong ulit nito.
“N-no.” bigla niyang nasabi. Hindi niya alam kung tama ba ang nasabi niya. Basta nalang yon lumabas sa bibig niya. Para itong nabigla sa narinig. Napatingin ito ng matiim sa kanya.
“Bakit?”
“Basta.” Sagot niya.
“Gusto kong malaman kung bakit ayaw mo.”
Natahimik siya at di makatingin ng tuwid dito. Lalong lumakas ang kabog ng dibdib niya. Hindi niya alam kung ano ang isasagot dito.
“Kasi hindi pwede. Hindi kita ganon ka-kilala at isa pa sandali ka lang naman dito diba. Ilang buwan lang, aalis kana.” Paliwanag niya.
“Pwede naman tayong mag-usap sa cp ah. Kahit araw-araw pwede kitang tawagan”.
“Ayoko ng long distance relationship.” Totoo sa sariling sabi niya. Mahal niya ito ngunit ayaw niyang i-compromise ang puso niya. She knows herself at alam niyang hindi niya kakayanin ang maaring maging consequences kapag nagpadala siya dito.
“Babalik naman ako para sayo. Pangako.”
Gusto niyang paniwalaan ang sinabi nito ngunit natatakot siyang umasa. Natatakot siyang sa bandang huli ay masaktan lang siya.
“Wala ka bang tiwala sa akin?” Pangungulit pa nito.
“Gusto ko ng boyfriend na lage kong makakasama. ‘yong pag may kelangan ako, nandun lang siya. Ayokong lage nalang siyang nami-miss”.

“Kumusta ang date ninyo ni Ivan kahapon?” Tanong sa kanya ng pinakamalapit niyang kaibigang si Imee.
“Okay lang naman.” Mailki niyang sagot.
“Anong okay? I-ilaborate mo naman.” Halatang gusto nitong malaman ang bawat detalye ng date niya.
“Niligawan niya ako.” Parang hindi interesadong sagot niya.
“Really? So kayo na?” Alam nitong may gusto siya kay Ivan kaya siguro nito ini-expect na sinagot niya ito.
“Hindi.” Binitawan niya ang hawak na ballpen at humarap dito. “Actually, binasted ko siya.”
“Ano??? Bakit naman?” Gulat na tanong uli nito.
“Kasi natatakot ako.” Sinserong sagot niya.
“Natatakot san? Hay naku friend ewan ko talaga sayo. Akala ko ba gusto mo yong tao? Dapat sinagot mo na. Pano kung magbago ang isip non at di kana ligawan? Pano ka magkaka-boyfriend nyan kung ganyan ka? Big catch na yon.” Walang preno na naman ito sa pagsasalita. Kung di pa niya ito tiningnan ng masama, siguradong tatalak ito ng tatalak hanggang sa marindi siya.
“Eh sa natatakot ako eh anong magagawa ko? Hindi pa ako nasaktan kahit minsan, kaya natatakot ako. Baka hindi ko kayanin.”
Tumirik ang mga mata nito sa sinabi niya. “Paano mo naman nalaman na masasaktan ka eh di mo pa nga sinusubukan? Tsaka ganon naman talaga sa love, kung gusto mong maging happy, dapat matoto kang mag-take ng risk. Di ba sabi nga nila, life is a gamble. And so is love friend my friend.”
“Hindi ko nga alam kung pagsisisihan ko yong ginawa ko o hindi. Nalilito ako eh.”
Totoong naguguluhan talaga siya. Buong gabi siyang hindi nakatulog sa kakaisip kung tama ba ang nagawa niya. May part kasi ng puso niya na nanghihinayang at nagsisisi. Pero ang utak naman niya ay iba ang sinasabi. Para na siyang luka sa kakaisip.
“Hay naku! Bata ka pa rin talagang mag-isip. Bakit di mo nalang ako gayahin?”
“Hmmp! Ayoko ngang gayahin ka. If I know, mala-telenovela din ang istorya ng love life mo.” Inirapan niya ito.
“At least may thrill. Eh ikaw? Hanggang ngayon zero ka pa rin. May lumalapit na sayo, inayawan mo naman. Buti sana kung di mo type. Eh if I know, love na love mo naman siya.”
“Kung talagang gusto niya, maghihintay siya.”
Nagulat siya dahil bigla siya nitong binatukan. “Aray! Ano ba?”
“Friend, panahon pa ni kupong- kupong yang paniniwala mong yan eh. Dapat grab the opportunity. Bakit mo pa ipagpapabukas kung pwede naman ngayon?” Pagdating talaga sa usaping pag-ibig ay parang expert ito kung magsalita. Sabagay, sa kanilang dalawa ay mas may karanasan naman talaga ito.
“Eh di nga pwede ngayon. Hindi pa ako handa.”
“Bahala ka na nga sa buhay mo. Basta friend, wag mo sanang pagsisihan ang ginawa mo. Masakit magsisi sa huli.” Sumusukong sabi nalang nito.

Hindi pinatulog ng mga sinabi ni Imee si Abby. Naalala niya ang mga pangaral nito. In some point, tama naman kasi ito. Deep inside may konti talaga siyang pagsisising nararamdaman. Gusto niya si Ivan, gustong- gusto. Ngunit natatatakot siya sa maaaring maging consequences.
Nangako siya sa mga magulang niya na hindi muna siya magbo-boyfriend hangga’t hindi pa siya natatapos sa pag-aaral. Wala siyang balak baliin ang pangakong iyon. Naalala rin niya ang minsang sinabi sa kanya ng isa niyang kaibigan. Mahirap daw sumugal sa pag-ibig kung ang taong pinag-uukulan mo ng pagtingin ay hindi mo ganon ka-kilala. Sa kaso nila ni Ivan, masasabi niyang hindi pa talaga niya ito masiyadong kilala. Gahol din siya sa oras upang kilalanin ito dahil hindi naman ito mamimirmihan sa lugar nila. Aalis din ito agad sa oras na mahanapan ito ng trabaho ng tiyahin sa Maynila.

2 comments:

  1. hii.. Nice Post

    Thanks for sharing


    For latest stills videos visit ..

    www.chicha.in

    www.chicha.in

    ReplyDelete
  2. hii.. Nice Post

    Thanks for sharing


    For latest stills videos visit ..

    www.chicha.in

    www.chicha.in

    ReplyDelete